1 Isinara ang mga pintuan ng Jerico upang huwag makapasok ang mga Israelita. Ipinagbawal na lumabas o pumasok ang sinuman.
2 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Pakinggan mo ito! Ibinigay ko na sa iyong mga kamay ang Jerico, upang sakupin ito at gapiin ang kanyang hari at magigiting na kawal.
3 Ikaw at ang iyong mga kawal ay liligid sa palibot ng Jerico minsan isang araw sa loob ng anim na araw.
4 Pauunahin mo sa Kaban ng Tipan ang pitong paring may dalang mga trumpeta na yari sa sungay. Sa ikapitong araw, pitong beses kayong liligid sa lunsod, at hihipan ng mga pari ang dala nilang trumpeta.
5 Pagkarinig ninyo ng isang malakas at mahabang tunog ng tambuli, lahat kayo'y ubod-lakas na sisigaw. Sa sandaling iyon, babagsak ang mga pader ng lunsod at walang sagabal na makakapasok doon ang lahat.”
6 Kaya't tinawag ni Josue ang mga pari ng Israel at sinabi sa kanila, “Dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh; mauuna ang pitong paring may dalang mga trumpeta.”
7 At sinabi naman niya sa mga taong-bayan, “Lumakad na kayo! Lumigid kayo sa lunsod, at paunahin ninyo sa Kaban ng Tipan ni Yahweh ang mga sandatahang lalaki.”
8 Tulad ng sinabi ni Josue, lumakad nga sa unahan ng Kaban ng Tipan ang pitong paring may dalang trumpeta, at habang lumalakad ay hinihipan nila ang mga ito.
9 Nauuna sa mga pari ang unang hanay ng mga kawal. Kasunod naman ng Kaban ng Tipan ang mga kawal na nasa panghuling hanay. Samantala, walang tigil ang tunog ng mga trumpeta.
10 Ngunit sinabi ni Josue sa mga tao, “Huwag kayong sisigaw, o magsasalita man, hanggang hindi ko kayo binibigyan ng hudyat.”
11 Sa utos nga ni Josue, iniligid nilang minsan sa lunsod ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Pagkatapos, bumalik sila sa kampo at doon sila nagpalipas ng gabi.
12 Kinabukasan, maagang bumangon si Josue. Binuhat ng mga pari ang Kaban ng Tipan ni Yahweh,
13 at muling nauna rito ang pitong pari na walang tigil sa pag-ihip ng dala nilang trumpeta. Muling pumuwesto sa unahan nila ang unang hanay ng mga kawal, samantalang ang mga panghuling hanay ay nasa likuran ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Patuloy ang pag-ihip sa mga trumpeta.
14 Nilibot nga nilang minsan ang lunsod noong ikalawang araw, at pagkatapos ay bumalik silang muli sa kampo. Ganito ang ginawa nila araw-araw sa loob ng anim na araw.
15 Nang ikapitong araw, bumangon sila nang magbukang-liwayway, at lumibot nang pitong beses sa lunsod. Noon lamang nila ito nilibot nang pitong beses.
16 Sa ikapitong libot, hinipan ng mga pari ang mga trumpeta at iniutos ni Josue sa mga tao, “Sumigaw na kayo sapagkat ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lunsod!
17 Ang buong lunsod at ang anumang matatagpuan doon ay wawasakin bilang handog kay Yahweh. Si Rahab lamang at ang kanyang mga kasambahay ang ililigtas sapagkat itinago niya ang ating mga isinugo roon.
18 At huwag na huwag kayong kukuha ng anumang bagay na nakatakdang wasakin. Kapag kumuha kayo ng anuman, kayo ang magiging sanhi ng pagkapahamak ng buong Israel.
19 Ngunit ang lahat ng bagay na yari sa ginto, pilak, tanso, o bakal ay nakalaan para kay Yahweh, at dapat ilagay sa kabang-yaman ni Yahweh.”
20 Kaya't hinipan nga ng mga pari ang mga trumpeta at nagsigawan nang napakalakas ang mga tao nang marinig iyon. Bumagsak ang mga pader ng lunsod at sumalakay sila. Nakapasok sila nang walang sagabal at nasakop nila ang lunsod.
21 Pinatay nila ang lahat ng tao sa lunsod—alaki't babae, matanda't bata—at pati ang mga asno, baka at tupa.
22 Sinabi ni Josue sa dalawang espiya na isinugo niya noon, “Pumunta kayo sa bahay ng babaing inyong tinuluyan. Ilabas ninyo siya at ang buo niyang angkan, ayon sa inyong pangako sa kanya.”
23 Pumunta nga sila at inilabas si Rahab, ang kanyang ama't ina, mga kapatid at mga alipin. Inilabas din nila pati ang kanyang mga kamag-anak at dinalang lahat sa kampo ng Israel.
24 Pagkatapos ay sinunog nila ang lunsod at tinupok ang lahat ng bagay na naroon, liban sa mga yari sa ginto, pilak, tanso, o bakal. Ang mga ito'y inilagay nila sa kabang-yaman ni Yahweh.
25 Si Rahab na isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw ay iniligtas ni Josue, pati ang buong angkan nito, sapagkat itinago nito ang mga lalaking isinugo upang lihim na magmanman sa Jerico. Ang mga naging anak at sumunod na salinlahi ni Rahab ay nanirahan sa Israel hanggang sa araw na ito.
26 Noon di'y pinanumpa ni Josue ang buong bayan sa pangalan ni Yahweh. Sinabi niya,“Sumpain ang sinumang magtatayong muli ng lunsod na ito ng Jerico.Mamamatay ang anak na panganay ng sinumang muling maglalagay ng mga saligan nito.Mamamatay ang anak na bunso ng magbabangong muli ng kanyang mga pintuan.”
27 Pinatnubayan ni Yahweh si Josue, at naging tanyag ang kanyang pangalan sa lupaing iyon.