Josue 4 MBB05

Bantayog sa Gitna ng Ilog

1 Nang makatawid na sa Ilog Jordan ang buong sambayanan, sinabi ni Yahweh kay Josue,

2 “Pumili ka ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lipi.

3 Pakuhanin mo sila ng tig-iisang bato sa gitna ng Jordan, sa mismong kinatayuan ng mga pari. Ipadala mo sa kanila ang mga bato at ilagay sa pagkakampuhan ninyo ngayong gabi.”

4 Tinawag nga ni Josue ang labindalawang lalaking pinili niya,

5 at sinabi sa kanila, “Mauna kayo sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Pagdating ninyo sa gitna ng Ilog Jordan, kumuha kayo ng tig-iisang bato, pasanin ninyo ang mga ito, isa para sa bawat lipi ng Israel.

6 Ang mga batong ito ang magpapaalaala sa bayang Israel sa mga ginawa ni Yahweh. Kung sa panahong darating ay itanong ng inyong mga anak kung ano ang kahulugan ng mga batong iyan,

7 sabihin ninyong tumigil ang pag-agos ng Ilog Jordan nang itawid ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Ang mga batong ito ang magpapaalaala sa Israel ng mga pangyayaring ito habang panahon.”

8 Ginawa nga ng labindalawa ang iniutos sa kanila ni Josue. Tulad ng sinabi ni Yahweh kay Josue, kumuha sila ng labindalawang bato sa gitna ng ilog, isa para sa bawat lipi ng Israel. Dinala nila ang mga bato sa kanilang pinagkampuhan.

9 Naglagay rin si Josue ng labindalawang bato sa gitna ng Ilog Jordan, sa lugar na kinatayuan ng mga paring may dala ng Kaban ng Tipan. (Naroon pa hanggang ngayon ang mga batong iyon.)

10 Nanatili sa gitna ng Ilog Jordan ang mga pari hanggang sa maisagawa ng mga tao ang lahat ng mga iniutos ni Yahweh kay Josue upang kanilang gawin. Natupad ang lahat ayon sa iniutos ni Moises kay Josue.Nagmamadaling tumawid ang mga tao.

11 Pagkatawid nila, itinawid din ang Kaban ng Tipan, at ang mga pari'y muling nauna sa mga taong-bayan.

12 Tumawid din at nanguna sa bayan ang mga lalaking sandatahan buhat sa lipi nina Ruben, Gad at kalahati ng lipi ni Manases ayon sa iniutos ni Moises.

13 May apatnapung libong mandirigma ang dumaan sa harapan ng kaban ni Yahweh patungo sa kapatagan ng Jerico.

14 Sa araw na iyon, ginawang dakila ni Yahweh si Josue sa paningin ng buong Israel. At siya'y iginalang nila habang siya'y nabubuhay, tulad ng ginawa nila kay Moises.

15 Iniutos ni Yahweh kay Josue,

16 “Sabihin mo sa mga paring may dala ng Kaban ng Tipan na umahon na sila sa Jordan.”

17 Ganoon nga ang ginawa ni Josue.

18 Nang makaahon ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, muling umagos ang ilog at umapaw sa pampang ang tubig.

19 Ika-10 araw ng unang buwan ng taon nang tumawid ng Ilog Jordan ang bayang Israel. Nagkampo sila sa Gilgal na nasa silangan ng Jerico.

20 Doon inilagay ni Josue ang labindalawang bato na ipinakuha niya sa Jordan.

21 Pagkatapos, sinabi niya sa bayang Israel, “Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak kung ano ang kahulugan ng mga batong iyan,

22 sabihin ninyo sa kanila na lumakad sa tuyong lupa ang bayang Israel nang tumawid sa Ilog Jordan.

23 Sabihin din ninyo na pinatuyo ni Yahweh ang tubig ng Jordan habang kayo'y tumatawid, tulad ng ginawa niya sa Dagat na Pula habang kami'y tumatawid noon.

24 Sa ganitong paraan, kikilalanin ng lahat ng tao sa daigdig ang kapangyarihan ni Yahweh, at pararangalan ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh sa habang panahon.”

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24