4 Dumating lahat ang mga haring iyon, kasama ang kanilang mga sandatahang lakas. Halos sindami ng buhangin sa tabing-dagat ang bilang ng kanilang hukbo. Napakarami rin ng kanilang mga kabayo at mga karwaheng pandigma.
5 Nagkaisa ang mga haring iyon na pag-isahin ang kanilang mga pwersa at sama-sama silang nagkampo sa may batisan ng Merom upang salakayin ang Israel.
6 Ngunit sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Asahan mo, bukas sa ganito ring oras, lilipulin ko silang lahat para sa Israel. Lalagutan ninyo ng litid upang mapilay ang kanilang mga kabayo at susunugin ang kanilang mga karwahe.”
7 Kaya't sila'y biglang sinalakay ni Josue at ng kanyang mga kawal sa may batis ng Merom.
8 Pinagtagumpay ni Yahweh ang mga Israelita. Hinabol nila ang mga kaaway hanggang sa Dakilang Sidon at sa Misrefot-mayim sa gawing hilaga, at hanggang sa Libis ng Mizpa sa gawing silangan. Nagpatuloy ang labanan hanggang walang natirang buháy sa mga kaaway.
9 Ginawa sa kanila ni Josue ang utos ni Yahweh, pinilayan niya ang mga kabayo at sinunog ang kanilang mga karwahe.
10 Pagkatapos, bumalik si Josue, sinakop ang Hazor at pinatay ang hari roon. Nang panahong iyon, ang Hazor ang kinikilalang pinakamakapangyarihang lunsod sa mga kahariang iyon.