9 Ginawa sa kanila ni Josue ang utos ni Yahweh, pinilayan niya ang mga kabayo at sinunog ang kanilang mga karwahe.
10 Pagkatapos, bumalik si Josue, sinakop ang Hazor at pinatay ang hari roon. Nang panahong iyon, ang Hazor ang kinikilalang pinakamakapangyarihang lunsod sa mga kahariang iyon.
11 Sinunog ng mga Israelita ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon—walang itinira ni isa man.
12 Natalo ni Josue ang lahat ng mga haring iyon at sinakop ang kanilang mga lunsod. Pinatay niyang lahat ang mga tao roon, gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ni Yahweh.
13 Maliban sa Hazor na sinunog ni Josue, hindi sinunog ng mga Israelita ang mga lunsod na nasa burol.
14 Sinamsam ng mga Israelita ang kanilang mahahalagang kagamitan at mga baka. Ngunit pinatay nila ang mga tao roon at walang itinirang buháy.
15 Ito ang utos na ibinigay ni Yahweh kay Moises, at ibinigay naman ni Moises kay Josue. Tinupad ni Josue ang lahat ng iniutos ni Yahweh kay Moises.