25 Napunta sa kanila ang Jazer, ang buong Gilead, at ang kalahati ng lupain ng mga Ammonita hanggang sa Aroer na katapat ng Rabba.
26 Sakop nila ang mga lupain buhat sa Hesbon hanggang Ramot-mizpa at Bethonim, at buhat sa Mahanaim hanggang sa mga nasasakupan ng Lo-debar.
27 Sa Kapatagan naman ng Jordan ang sakop nila'y ang mga lunsod ng Beth-haram, Beth-nimra, Sucot, Zafon at ang nalalabi sa kaharian ni Sihon na hari ng Hesbon. Saklaw nga nila ang buong lupain sa gawing silangan buhat sa Ilog Jordan, at tuloy sa Lawa ng Galilea sa gawing hilaga.
28 Ito ang mga lunsod at bayang ibinigay sa mga angkan ng lipi ni Gad.
29 Binigyan na rin ni Moises ng bahagi sa lupain ang mga angkan ng kalahati ng lipi ni Manases.
30 Sakop nila ang Mahanaim at ang buong teritoryo ni Haring Og sa lupain ng Bashan. Kasama rin ng lupain nila ang animnapung bayan ng Bashan na sakop ng Jair.
31 Sakop rin nila ang kalahati ng Gilead at ang mga lunsod ng Astarot at Edrei sa kaharian ni Og sa Bashan. Ito ang mga lupaing ibinigay sa mga angkang bumubuo ng kalahati ng angkan ni Maquir na anak ni Manases.