11 Nasa pagitan ng lupain ng lipi ni Juda at ni Jose ang lupaing napapunta sa mga angkan ng lipi ni Benjamin.
12 Sa hilaga, ang hangganan nito'y nagsimula sa Ilog Jordan; umahon sa hilaga ng Jerico, napakanluran sa kaburulan, at nagtapos sa ilang ng Beth-aven.
13 Buhat dito'y nagtungo sa gulod, sa gawing timog ng Luz (na tinatawag na Bethel). Nagtuloy sa Atarot-adar, na nasa kabundukan sa timog ng Beth-horong ibaba.
14 Buhat naman sa kanluran ng bundok na nasa timog ng Beth-horon ay lumiko papuntang timog, at nagtapos sa lunsod ng Baal (na ngayo'y tinatawag na lunsod ng Jearim), isang lunsod ng lipi ni Juda. Ito ang hangganan sa kanluran.
15 Sa timog, ang hangganan ng lupaing ito'y nagsimula sa gilid ng Lunsod ng Jearim at nagtapos sa batisan ng Neftoa.
16 Lumusong patungo sa paanan ng bundok na nasa silangan ng Libis ng Ben Hinom at hilaga ng Libis ng Refaim, tinahak ang Libis ng Ben Hinom na nasa timog ng bundok ng mga Jebuseo, at nagtuloy sa En-rogel.
17 Buhat dito'y lumusong pahilaga patungo sa En-shemes. Nagtuloy ng Gelilot na nasa tapat ng tawiran ng Adumim, at lumusong sa Bato ni Bohan na anak ni Ruben.