10 Nalaman din po namin ang ginawa niya sa dalawang haring Amoreo sa silangan ng Jordan: kay Sihon na hari ng Hesbon at kay Og na hari ng Bashan, na nakatira sa Astarot.
11 Kaya't isinugo po kami ng aming matatanda at mga kababayan. Nagdala po kami ng baon at naglakbay hanggang dito upang makipagkita sa inyo at paabutin sa inyo na kami'y handang maglingkod sa inyo! Marapatin po sana ninyong makipagkasundo sa amin.
12 Tingnan po ninyo ang tinapay na baon namin. Mainit pa po iyan nang umalis kami sa amin. Ngunit ngayo'y matigas na at amagin.
13 Bago pa rin ang mga sisidlang-balat na iyan nang aming lagyan. Tingnan po ninyo! Sira-sira at tagpi-tagpi na ngayon. Gula-gulanit na po itong aming kasuotan at pudpod na itong aming sandalyas dahil sa kalayuan ng aming nilakbay.”
14 Tinikman ng mga pinuno ng Israel ang mga pagkain ngunit hindi man lamang sumangguni kay Yahweh.
15 Kaya't nakipagkasundo sa kanila si Josue at nangako na hindi sila papatayin. Sumang-ayon din sa kasunduan ang mga pinuno ng Israel.
16 Tatlong araw pagkatapos pagtibayin ang kasunduan, nalaman ng mga Israelita na hindi pala taga malayo ang mga taong iyon, kundi tagaroon din sa lupaing iyon.