11 Nang siya'y dinadaya at ibig agawan ng kabuhayan,tinulungan muli siya ng Karunungan;at sa bandang huli, siya rin ang yumaman.
12 Iningatan siya ng Karunungan laban sa kanyang mga kaaway,at iniligtas sa mga tumatambang sa kanya.Pinagtagumpay siya sa isang mahigpit na paligsahan,upang ipakilala sa kanya na ang pagiging maka-Diyos, ang tanging makakatulong sa tao.
13 May isang taong matuwid na ipinagbiling alipin;ngunit di siya pinabayaan ng Karunungan.Inilayo siya nito sa pagkakasala at sinamahan hanggang sa bilangguan.
14 Kahit nang siya'y gapos ng tanikala, hindi rin siya hiniwalayan ng Karunungan.Ang pamamahala ng buong kaharian ay ibinigay sa kanya,at ipinailalim sa kanyang kapangyarihan ang mga dating umuusig sa kanya.Napabulaanan ang mga paratang sa kanya,at nagkamit siya ng karangalang walang hanggan.
15 Ang Karunungan din ang nagpalaya sa isang lahing walang sala at malapit sa Diyos.Hinango sila sa bansang umalipin sa kanila.
16 Pumasok ang Karunungan sa diwa ng isang lingkod ng Panginoon.Kaya't hinarap nito ang mababagsik na hari sa pamamagitan ng mga himala at kababalaghan.
17 Ginantimpalaan niya ang paghihirap ng bayang pinili,at pinatnubayan sa isang kagila-gilalas na paglalakbay.Nililiman niya sila kung araw at tinanglawan kung gabi.