1 Napakahangal ng mga taong hindi nakakakilala sa Diyos.Nakikita nila ang mabubuting bagay sa daigdig, ngunit hindi nila makita ang Diyos na buháy.Pinag-aaralan nila ang kanyang mga nilalang, ngunit hindi nila nakilala ang lumalang sa kanila.
2 Sa halip, ang apoy, ang mabilis na hangin, ang unos,ang mga bituing naglalayag sa kaitaasan,ang rumaragasang tubig at ang mga bituin sa kalangitan,ang kinilala nilang mga diyos na namamahala sa daigdig.
3 Kung kinilala nilang diyos ang mga ito dahil sa kanilang angking kariktan,dapat ay nalaman nilang higit na dakila ang lumalang sa lahat ng iyan, ang Panginoong Maykapal.Siya ang pinagmulan ng lahat ng kagandahan, ang lumikha sa lahat ng mga ito.
4 Kung namangha sila sa kapangyarihan ng mga ito,dapat nilang malaman na higit ang kapangyarihan ng lumikha ng mga ito.
5 Sapagkat sa pagmalas natin sa kalawakan at kagandahan ng sangnilikha,makikilala natin ang Lumikha.
6 Baka naman hindi sila dapat sisihin nang lubos.Maaaring nagsikap silang makilala ang Diyos,ngunit naligaw lamang sila sa kanilang paghahanap.
7 Sa pag-aaral ng mga bagay na nasa paligid nila,lubha silang naakit sa kagandahang kanilang nakita, hanggang sa naniwala silang diyos nga ang mga ito.
8 Ngunit wala silang tunay na maidadahilan sa kanilang pagkaligaw.
9 Kung nakayanan nilang pag-aralan ang sansinukob,bakit di nila nakilala ang Panginoong maylikha sa lahat?
10 Ang umaasa sa mga bagay na walang buhay ang pinakahangal sa lahat ng hangal.Silang sumasamba sa mga bagay na likha ng tao:larawan ng mga hayop na yari sa ginto, pilak, o hamak na batong nililok noong unang panahon.
11 May isang mahusay na manlililok.Pumutol siya ng isang punongkahoy, inalisan ng balatat ginawang isang kasangkapan na maaaring pakinabangan ng tao.
12 Pinulot niya ang mga pinagtabasan at ginamit na panggatongsa pagluluto ng pagkain na makakabusog sa kanya.
13 May isang piraso na walang mapaggamitansapagkat balu-baluktot at sanga-sanga.Sa oras na wala siyang ginagawa,maingat niya itong hinuhugisanat ginagawang isang larawan ng tao,
14 o hugis ng isang hamak na hayop.Pinipinturahan niya ito ng pula,at tinatakpan ang mga bahaging may mantsa.
15 Iginawa niya ito ng isang angkop na lalagyan,isinabit sa dingding at ipinako nang matibay.
16 Pinag-ingatan niyang huwag mahulog iyonpagkat alam niyang iyon ay larawan lamang,at hindi nito mapapangalagaan ang sarili.
17 Ngunit hindi siya nahihiyang manalangin sa larawang iyontungkol sa kanyang asawa, anak at kabuhayan.
18 Mahina iyon, ngunit doon siya humihingi ng lakas ng katawan.Patay iyon, ngunit doon siya humihingi ng buhay.Wala iyong karanasan, ngunit doon siya humihingi ng tulong.Iyo'y walang paa, ngunit doon siya humihingi ng mabuting paglalakbay.
19 Ang mga kamay niyon ay di man lamang maigalaw,ngunit doon siya humihingi ng tulong para sa kanyang negosyo, hanapbuhay, at anumang gawain.