Karunungan Ni Solomon 12 MBB05

1 Ang espiritu mong walang kamatayan ay nasa lahat ng bagay,

2 kaya unti-unti mong itinutuwid ang mga nagkakasala.Pinapaalalahanan mo at binabalaan sila sa kanilang mga ginawa,upang iwanan na nila ang kanilang masamang pamumuhay at sa iyo sila manalig, Panginoon.

Ang mga Kasalanan ng mga Canaanita

3 Kinamuhian mo ang mga nanirahan sa banal mong lupain noong unang panahon,

4 dahil sa kasuklam-suklam nilang mga gawain:dahil sa kanilang pangkukulam at maling pagsamba,

5 dahil sa walang habag na pagpatay nila ng mga sanggol,at pagkain ng laman at dugo ng tao.Sa kanilang mga lihim na seremonya ng pagtanggap sa mga baguhan,

6 pinapatay ng mga magulang ang kanilang mga anak na walang malay.Kaya, ipinasya mong ipalipol sila sa aming mga ninuno,

7 upang ang lupaing itinangi moay maging angkop na tirahan ng iyong bayan.

8 Gayunman, sila'y kinaawaan mo sapagkat sila'y mga tao rin.Kaya nagsugo ka ng mga pukyutan upang mauna sa iyong hukboat lipulin nang unti-unti ang mga kaaway na iyon;

9 bagama't magagawa mong ipagapi sa bayan mong pinili ang masasamang taong iyon,o lipulin sila sa pamamagitan ng mababangis na hayop,o sa bisa ng makapangyarihan mong salita.

10 Ngunit hindi mo binibigla ang pagpapatupad ng iyong hatol,upang mabigyan pa sila ng pagkakataong makapagsisi,kahit alam mong sila'y likas na masama,at hindi na magbabago sa masama nilang paniniwala.

11 Sapagkat sapul pa sa simula, sila'y isang lahing isinumpa,ngunit hindi dahil sa takot kaninuman kaya hindi mo sila pinarusahan.

Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat

12 Ikaw ang lumikha sa mga bansang iyon, at walang makakapagtanong kung bakit gayon ang ginawa mo sa kanila.Wala rin namang makakatutol sa iyong naging pasya.Hindi ka maaaring panagutin ninuman sa paglipol mo sa kanila,at walang makakadulog sa hukuman laban sa iyo para ipagtanggol ang makasalanang lahing iyon.

13 Lahat ng bagay ay nasa ilalim ng iyong pangangalaga,at sa iyong paghatol ay wala kang pananagutan sa ibang diyos.

14 Hindi ka maaaring paratangan ng alinmang hari o pinuno,na pinarusahan mo ang lahing iyon nang walang katarungan.

15 Ikaw ay matuwid at makatarungang namamahala sa lahat ng bagay.Hindi mo ginagamit ang iyong kapangyarihanupang parusahan ang isang taong wala namang kasalanan.

16 Sa iyong lakas nagmumula ang iyong katarungan,at maaari kang magpakita ng habag kaninuman sapagkat ikaw ang Panginoon ng lahat.

17 Ipinapakita mo ang iyong lakas sa nag-aalinlangan sa iyong ganap na kapangyarihan,at pinaparusahan mo ang sinumang nakakaalam nito ngunit sinasadyang di ka pansinin.

18 Walang hanggan ang kapangyarihan mo ngunit mahabagin ka kung humatol.Maaari mo kaming parusahan kung iyan ang nais mo,ngunit sa halip ay pinamamahalaan mo kami nang buong hinahon at pagpipigil.

19 Sa pamamagitan ng ginawa mong iyan,itinuro mo sa mga taong makatarunganna dapat din silang maging maawain.At binigyan mo naman ng pag-asa ang iyong bayan,sa pagkakaloob sa kanila ng pagkakataong makapagsisi.

20 Naging marahan at maunawain ka sa pagpaparusa sa mga kaaway ng iyong bayan.Bagama't dapat na silang mamatay,binigyan mo pa rin sila ng lahat ng pagkakataong iwanan ang masama nilang pamumuhay.

21 Ngunit naging mahigpit ka sa paghatol sa iyong bayan,bagama't nakipagtipan ka sa kanilang mga ninuno at pinangakuan sila ng mabubuting bagay.

22 Oo, kami'y iyong pinarusahan, ngunit higit na matindi ang parusa mo sa aming mga kaaway,upang kapag kami ay humatol sa iba, ay maalala namin ang iyong kabutihan.At kapag kami naman ang hinatulan, ay makaasa kami na kami'y kahahabagan.

Ang Parusa sa mga Taga-Egipto

23 Pinarusahan mo ang mga namuhay nang masama,at ang ginamit mo sa pagpaparusa ay ang mga kasuklam-suklam na bagay na kanilang sinamba.

24 Nahiwalay sila nang malayo sa katotohanan,at sumamba sa mga kasuklam-suklam na hayop.Nalinlang sila na para bang mga batang walang isip.

25 Pinarusahan mo sila dahil sa kanilang kahangalan,kaya't ang lagay nila'y parang mga batang walang muwang.

26 Magaan ang naging parusa sa kanila,ngunit daranas ng buong bigat na parusa ng Diyos ang hindi pumansin sa gayong mga babala.

27 Nang gamitin ng Diyos sa pagpaparusa sa kanila ang mga hayop na kanilang sinasamba,nagising sila sa mapait na katotohanan.Nakilala nila ang Diyos na matagal nilang di pinansin,kaya't bumagsak sa kanila ang pinakamasaklap na parusa.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19