1 Ang aklat na ito ay kasaysayan ni Tobit na anak ni Tobiel at apo ni Hananiel, na anak naman ni Aduel. Si Aduel ay anak ni Gabael at apo ni Rafael na anak ni Raguel. Si Raguel ay mula sa angkan ni Asiel na mula naman sa lipi ni Neftali.
2 Noong panahon ng paghahari ni Salmaneser ng Asiria, ako ay dinalang-bihag mula sa Tisbe. Ang lugar na ito'y nasa gawing hilaga ng Galilea, timog ng Kades, sa Neftali, hilagang-silangan ng Aser at hilaga ng Fogor.
3 Ako si Tobit. Sa buong buhay ko'y sinikap kong mamuhay nang matapat at masunurin sa kalooban ng Diyos. Lagi akong nagkakawanggawa at naglingkod ako sa aking mga kamag-anak at mga kababayan na kasama kong dinalang-bihag sa Nineve, Asiria.
4 Noong kami'y nasa Israel pa, ako'y nasa akin pang kabataan nang ang lipi ni Neftali, ang liping aming pinagmulan, ay humiwalay sa sambahayan ni David at sa Jerusalem. Kaya't kami ngayon ay hindi na saklaw ng Jerusalem, ang lunsod na pinili sa lahat ng lipi ng Israel. Lahat ng Israelita ay pinaghahandog sa templong naroon na itinayo't itinalagang panghabang-panahon.
5 Kaya ang lahat kong mga kamag-anak, pati ang angkan ng aking ninunong si Neftali na tumiwalag, ay naghahain bilang pagsamba sa guyang ipinagawa ni Haring Jeroboam ng Israel doon sa Dan, sa buong kaburulan ng Galilea.