1 Matapos maghapunan ang lahat, nagpasya nang mamahinga ang ama't ina ni Sara. Kaya't sinamahan na nila si Tobias at itinuro ang silid-tulugan.
2 Naalala ni Tobias ang bilin ni Rafael tungkol sa atay at puso ng isda. Kaya't kinuha niya ito sa kanyang lalagyan, sinunog kasama ng insenso sa isang sisidlan at pumasok sa silid na taglay ito.
3 Lumaganap sa silid ang usok, at naamoy ng demonyo. Tumakas ito patungong Egipto. Hinabol ito ni Rafael at nang abuta'y iginapos ang paa't kamay.
4 Nang mapag-isa na ang mag-asawa, bumangon si Tobias at sinabi sa asawa, “Bumangon ka, mahal ko, at manalangin tayo. Manalangin tayo sa Panginoon na tayo'y kahabagan at ingatan.”
5 Bumangon nga si Sara, at nanalangin silang dalawa. Ganito ang sabi ni Tobias:“Karapat-dapat kang purihin at pasalamatan, Diyos na sinasamba ng aming mga magulang.Purihin ang iyong pangalan, dakila at banal magpakailanman.Ikaw ay pinupuri ng sangkatauhan, ipinagbubunyi ng buong kinapal.
6 Si Adan ay tao na iyong nilikha, asawa niyang si Eva ikaw ang gumawa.Ibinigay mong katuwang para sa kanya;ang sangkatauha'y sa kanila nagmula.Sinabi mo, ‘Di dapat mag-isa ang tao,’ kaya't ating pagpasyahan,‘Gawin nati'y katuwang na kanyang kalarawan.’
7 Ang pag-aasawang pinasok ko ngayo'ydi udyok ng nasa, kundi'y sa Panginoon,tunay na matapat aking nilalayon, itong aming buhay nawa'y magkaroonng awa mo't lakas sa habang panahon, nang hanggang pagtanda kami'y magkatulong.”
8 Sabay silang nagsabi, “Amen! Amen!”
9 Sila'y natulog pagkapanalangin.Samantala, si Raguel ay bumangon at tinawag ang kanyang mga alipin. Lumabas sila upang humukay ng paglilibingan.
10 “Kailangang gawin ko ito,” sabi ni Raguel, “para tayo'y maligtas sa pangungutya at panlalait kung sakaling mamatay si Tobias.”
11 Nang mayari ang hukay, nagbalik si Raguel sa kanyang asawa at sinabi,
12 “Suguin mo ang isa mong katulong na babae at patingnan kung si Tobias ay buháy pa. Kung patay na, ililibing natin siya nang walang nakakaalam.”
13 Ang katulong na babae ay nagsindi ng ilawan at pumasok sa silid ng bagong kasal. Nakita niyang mahimbing na natutulog ang mag-asawa.
14 Ibinalita agad ng katulong ang kanyang nakita. Sinabi niyang buháy si Tobias at walang anumang masamang nangyari.
15 Dahil doon, pinuri ni Raguel ang Diyos ng kalangitan. Wika niya:“Pinupuri ka namin, O Diyos, buháy sa aming puso.Bayaang purihin ka ng mga hinirang,purihin ka nila magpakailanman.
16 Dahil sa kagalakan ko, kita'y pinupuri,sapagkat hindi nangyari ang aking kinatatakutan;sa halip, lalo mo kaming kinahabagan.
17 At sa kabutihan mo sa mag-asawang ito,pinupuri ka namin.Opo, Panginoon, mahabag ka't iligtas mo sila,at ipagkaloob mo sa kanila ang mahabang buhay sa ilalim ng iyong kalinga.”
18 Matapos manalangin, sinabi niya sa kanyang mga alipin na bago mag-umaga'y tabunan ang ginawa nilang hukay.
19 Sa katuwaan nila'y naghanda sila ng isang malaking salu-salo. Inutusan ni Raguel ang kanyang asawa na magluto ng maraming tinapay, samantalang siya naman ay kumuha sa kawan ng dalawang toro at apat na barakong kambing at ipinapatay sa mga utusan.
20 Tinawag niya si Tobias at sumumpa si Raguel na, “Hindi ka aalis dito sa loob ng dalawang linggo. Magkasama tayong kakain at iinom, at dudulutan mo ng kaligayahan ang iyong asawa.
21 Kunin mo na ang kalahati ng kayamanan ko kahit buháy pa ako. Madadala mo ito sa iyong pag-uwi, at sana'y makarating ka sa inyo nang ligtas. Ang matitira'y iyo pa rin kapag kaming mag-asawa'y namatay na. Magalak ka, anak! Ako'y iyo na ring ama at si Edna ay iyong ina. Tunay na ang ating kaugnayan ay hindi na mapapatid. Wala kang anumang dapat ipangamba, anak!”