14 Dahil dito, madalas akong nagpupunta sa Media para mamili roon ng kanyang mga kagamitan. Minsan nang ako'y nasa Rages, Media, inilagak ko sa kamag-anak kong si Gabael na kapatid ni Gabrias ang ilang supot ng salaping pilak.
15 Nang mamatay si Salmaneser at maghari ang anak niyang si Senaquerib, tumigil na ako nang pagpunta sa Media sapagkat naging mapanganib na ang maglakbay papunta roon.
16 Nang panahong namamahala pa si Salmaneser, ako'y nagkakawanggawa at naglilingkod sa aking mga kamag-anak at kababayan kapag sila'y nangangailangan.
17 Pinapakain ko ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang maisuot. Ang makita kong bangkay sa labas ng Nineve, lalo't kababayan, ay aking inililibing.
18 Isang araw, isinumpa ni Senaquerib ang Diyos na Hari ng Langit. Pinarusahan siya ng Diyos at kinailangan niyang tumakas mula sa Juda. Galit na galit siya nang magbalik sa Media kaya't marami siyang ipinapatay na Israelita. Palihim kong inilibing ang mga bangkay kaya't nagtataka ang hari kung bakit nawawala ang mga bangkay ng mga ipinapatay niya.
19 Ngunit may taga-Nineve na nagsumbong sa hari na ako ang gumagawa nito. Bunga nito'y nagalit sa akin ang hari, kaya't ako'y nagtago. Ngunit nang mabalitaan kong alam na ng hari ang tungkol sa akin at ako'y pinaghahahanap upang patayin, ako'y tumakas dahil sa takot.
20 Sa galit ng hari, lahat ng ari-arian ko'y kanyang sinamsam, maliban sa aking asawang si Ana at anak na si Tobias.