3 Ako si Tobit. Sa buong buhay ko'y sinikap kong mamuhay nang matapat at masunurin sa kalooban ng Diyos. Lagi akong nagkakawanggawa at naglingkod ako sa aking mga kamag-anak at mga kababayan na kasama kong dinalang-bihag sa Nineve, Asiria.
4 Noong kami'y nasa Israel pa, ako'y nasa akin pang kabataan nang ang lipi ni Neftali, ang liping aming pinagmulan, ay humiwalay sa sambahayan ni David at sa Jerusalem. Kaya't kami ngayon ay hindi na saklaw ng Jerusalem, ang lunsod na pinili sa lahat ng lipi ng Israel. Lahat ng Israelita ay pinaghahandog sa templong naroon na itinayo't itinalagang panghabang-panahon.
5 Kaya ang lahat kong mga kamag-anak, pati ang angkan ng aking ninunong si Neftali na tumiwalag, ay naghahain bilang pagsamba sa guyang ipinagawa ni Haring Jeroboam ng Israel doon sa Dan, sa buong kaburulan ng Galilea.
6 Ako lamang sa aming pamilya ang laging nagpupunta sa Jerusalem. Lagi akong dumadalo sa mga kapistahan doon sapagkat ito'y bahagi ng walang hanggang kautusan na dapat sundin ng lahat. Tuwing ako'y dadalo, dala ko ang mga unang bunga ng aking ani, ang mga unang supling ng aking mga hayop, ang ikasampung bahagi ng aking kawan, at ang lana mula sa aking mga tupa. Ito'y ibinibigay ko sa mga pari na mga anak ni Aaron upang ihandog sa dambana.
7 Sa mga Levita na naglilingkod sa Jerusalem, ibinibigay ko naman ang ikasampung bahagi ng butil na inani, alak, langis ng olibo, granada, igos, at iba pang bungangkahoy. Maliban sa mga taon ng pamamahinga, nagsasadya ako taun-taon sa Jerusalem upang dalhin ang ikalawang ikasampung bahagi ng aking mga ari-arian at ipinamamahagi ko ang pera sa Jerusalem sa pagdiriwang.
8 Ngunit tuwing ikatlong taon, ibinibigay ko ang ikatlong ikasampu sa mga ulila, sa mga balo, at sa mga taga-ibang bayan na kasama na ng mga Israelita. Nagsasalu-salo kami bilang pagsunod sa Kautusan ni Moises, na itinuro sa akin ni Debora, ina ng aking lolong si Hananiel, upang tupdin. Ulila na ako sapagkat patay na ang aking amang si Tobiel.
9 Pagsapit ko sa sapat na gulang ay nag-asawa ako. Napangasawa ko si Ana na kabilang din sa aming lahi. Si Tobias ang aming naging anak.