7 Sa mga Levita na naglilingkod sa Jerusalem, ibinibigay ko naman ang ikasampung bahagi ng butil na inani, alak, langis ng olibo, granada, igos, at iba pang bungangkahoy. Maliban sa mga taon ng pamamahinga, nagsasadya ako taun-taon sa Jerusalem upang dalhin ang ikalawang ikasampung bahagi ng aking mga ari-arian at ipinamamahagi ko ang pera sa Jerusalem sa pagdiriwang.
8 Ngunit tuwing ikatlong taon, ibinibigay ko ang ikatlong ikasampu sa mga ulila, sa mga balo, at sa mga taga-ibang bayan na kasama na ng mga Israelita. Nagsasalu-salo kami bilang pagsunod sa Kautusan ni Moises, na itinuro sa akin ni Debora, ina ng aking lolong si Hananiel, upang tupdin. Ulila na ako sapagkat patay na ang aking amang si Tobiel.
9 Pagsapit ko sa sapat na gulang ay nag-asawa ako. Napangasawa ko si Ana na kabilang din sa aming lahi. Si Tobias ang aming naging anak.
10 Nang ako'y dalhing-bihag sa Asiria, tumira ako sa Nineve. Doon, ang mga kapatid ko't kamag-anak ay natuto na ring kumain ng pagkain ng mga Hentil,
11 ngunit ako'y nakapagpigil sa sarili.
12 Dahil sa aking katapatan sa Kataas-taasang Diyos,
13 niloob ng Kataas-taasang Diyos na ako'y kagiliwan ni Haring Salmaneser. Ako ang pinagkatiwalaan niyang maging tagabili ng lahat ng kanyang pangangailangan.