2 Nasabi niya, “Ano kayang nangyayari kay Tobias? Baka pinigil na siya roon! Baka naman kaya patay na si Gabael at walang magbigay sa kanya ng salaping inilagak ko roon!”
3 Alalang-alala si Tobit.
4 Dahil dito'y sinabi ni Ana, “Tiyak na patay na ang anak ko!” At napahagulgol at nagdalamhati siya dahil sa inaakalang sinapit ng anak.
5 “O, anak ko,” ang sabi ng ina, “ligaya ng aking buhay. Bakit kita pinahintulutang umalis sa piling ko!”
6 Ngunit inaliw siya ni Tobit, “Huwag kang mag-alala, mahal ko; tiyak na buháy pa ang ating anak. Marahil ay mayroon lamang silang gawaing hindi maiwasan doon. Ang kasama naman niya sa paglalakbay ay isang taong mapagkakatiwalaan, isang kamag-anak. Kaya huwag kang mamighati sa kanya. Tiyak na darating siya.”
7 “Tama na! Huwag mo na akong linlangin pa,” sagot ni Ana. “Patay na ang anak ko!” Kaya't mula noo'y hindi na kumain si Ana. Araw-araw, lumalabas ito at nagpapalipas ng oras sa daang dinaanan ng anak sa pag-alis nito. Lubog na ang araw kung siya'y umuwi at magdamag na nagdadalamhati at siya'y umiiyak.Labing-apat na araw na ipinagdiwang ang kasal nina Tobias at Sara. Ito ang pangako ni Raguel sa ikaliligaya ng anak. Nang matapos ang pagdiriwang, lumapit si Tobias sa kanyang biyenan at sinabi, “Pahintulutan na po ninyo akong umuwi at baka alalang-alala na ang aking mga magulang. Payagan na ninyo ako. Sinabi ko na sa inyo ang kalagayan ng aking ama nang umalis ako.”
8 “Huwag ka munang umalis, Tobias,” sabi ni Raguel, “magsusugo ako ng magbabalita sa iyong ama tungkol sa iyo.”