6 Tinawag ni Rafael ang mag-amang Tobit at Tobias at sila'y nag-usap. Sinabi niya, “Salamat sa Diyos! Siya ang purihin natin at dakilain. Ipahayag ninyo sa lahat ng tao ang kanyang ginawa sa inyo. Umawit kayo ng pagpupuri at pasasalamat. Ihayag ninyo't parangalan ang kanyang mga gawa at huwag kayong manghihinawa sa paggawa nito.
7 Ang mga bagay na inililihim ng hari'y hindi dapat ibunyag ngunit ang mga gawa ng Diyos ay dapat ipahayag upang siya'y parangalan at kilanlin. Gawin ninyo ang mabuti at hindi kayo madadaig ng masama.
8 Mas mainam ang manalanging may katapatan at makatuwirang pagtulong sa mahihirap. Ang kaunting kabutihan ay higit na mainam kaysa kayamanang ginagamit sa masama. Mas mabuti ang magkawanggawa kaysa mag-impok ng ginto.
9 Ang gumagawa nito ay naliligtas sa kamatayan at dinadalisay sa bawat kasalanan. Hahaba ang buhay niya,
10 ngunit ang nagugumon sa pagkakasala ay kaaway ng sarili niya.
11 “Kailangang malaman na ninyo ang katotohanan; wala akong ililihim sa inyo. Natatandaan ninyong sinabi ko na ang mga inililihim ng hari ay hindi dapat ibunyag, ngunit ang mga gawa ng Diyos ay dapat ngang ipahayag.
12 Ngayon ko sasabihin sa inyo na noong manalangin ka, Tobit, at ang manugang mong si Sara sa Panginoon, ako ang nagharap ng dalangin ninyo sa Diyos. Gayundin ang ginagawa ko tuwing may inililibing ka.