Tobit 14:10-15 MBB05

10 sa araw na ang iyong ina ay mailibing na kasunod ko. Kahit isang gabi'y huwag ka nang mananatili sa palibot ng lunsod na ito. Ang nakikita ko rito'y lahat ng uri ng kasamaan at panlilinlang na hindi man lamang ikinahihiya. Isip-isipin mo na lang ang ginawa ni Nadab kay Ahikar, ang taong nagpalaki sa kanya. Si Ahikar ay inilibing na buháy! Ngunit pinagbayaran ito ni Nadab; nasadlak siya sa walang hanggang kadiliman, samantalang si Ahikar ay umahong buháy. Iyon ang napala niya sa pagtatangka sa buhay nito. Sa patibong ni Nadab ay naligtas si Ahikar, sapagkat ito'y mapagkawanggawa. Si Nadab ang nahulog sa sariling bitag at siya ang namatay.

11 Iyan, mga anak, ang kabutihan ng pagkakawanggawa; samantalang ang kawalang-katarungan ay pumapatay sa sarili. Nararamdaman kong malapit na akong mamatay.”Si Tobit ay dinala sa kanyang higaan at doon namatay. Binigyan siya ng isang marangal na libing.

12 Namatay rin ang ina ni Tobias at doon inilibing sa tabi ng libingan ng kanyang asawa. Nang maisaayos na ang lahat, isinama niya sa Ecbatana ang kanyang asawa't mga anak at nagpunta nga sila kay Raguel sa Media.

13 Inalagaan niya ang tumatanda nang mga biyenan, at nang mamatay ang mga ito, doon na rin nila inilibing. Ipinamana sa kanya ang lahat ng naiwang kayamanan ng kanyang magulang at biyenan.

14 Si Tobias ay umabot sa gulang na 117 taon.

15 Bago siya namatay, nasaksihan niyang lahat ang pagkawasak ng Nineve at ang pagkabihag ng mga mamamayan nito. Binihag sila ng Haring Cyaxares ng Media at dinala sa bansa nito. Dahil sa ginawang ito ng Diyos, pinuri ni Tobias ang Panginoon, ang walang hanggang Diyos. Amen!