10 Hindi ko napunang may mga ibong maya pala sa tapat ng higaan ko. Ang mainit-init pang ipot ng mga ito'y pumatak sa aking mga mata at lumikha ng katarata. Sumangguni ako sa mga manggagamot ngunit wala silang nagawa. Ang kanilang mga gamot na inilalagay ay lalong nakapagpalubha hanggang sa ako'y tuluyang nabulag. Apat na taon akong hindi makakita, at gayon na lamang ang pagkabahala ng aking mga kamag-anak. Dalawang taon akong tinulungan ni Ahikar hanggang sa siya'y magpunta sa Elimais.
11 Ang asawa kong si Ana ay nagtrabaho bilang manghahabi na karaniwang gawain ng mga babae nang panahong iyon, upang kumita ng ikabubuhay namin.
12 Pagkahatid niya ng kanyang mga ginawa ay binabayaran agad siya ng may-ari. Minsan, noong ikapitong araw ng buwan ng taglamig, naghatid siya ng mga natapos niya. Nakuha niya agad ang buong kabayaran at binigyan pa siya ng isang batang kambing.
13 Umuwi siyang akay ang kambing. Pagpasok niya, humalinghing ang kambing, kaya't nang marinig ko'y tinawag ko siya at tinanong, “Saan galing ang kambing na iyan? Marahil ay nakaw, ano? Sige, ibalik mo iyan! Hindi tayo dapat kumain ng nakaw!”
14 Ngunit ito ang tugon niya sa akin, “Iyan ay dagdag na bigay sa akin, bukod sa bayad sa aking ginawa.”Hindi ko siya pinaniwalaan; pilit kong ipinababalik ang kambing sa may-ari. Galit na galit ako sa aking asawa dahil dito. Kaya't sinumbatan niya ako. Sinabi niya, “Ngayon, nasaan na ang iyong pagkakawanggawa? Nasaan ang mga ginawa mong kapuri-puri? Lumabas na rin ang tunay mong pagkatao!”