Tobit 2:6-12 MBB05

6 Noon ko nagunita ang pahayag ni Propeta Amos laban sa mga taga-Bethel,“Ang inyong pagdiriwang ay magiging pagdadalamhati,at ang inyong kasayahan ay magiging panaghuyan.”Nanangis ako.

7 Paglubog ng araw, lumabas ako at humukay ng paglilibingan, at ibinaon doon ang bangkay.

8 Sa ginawa kong ito, pinagtawanan ako ng aking mga kapitbahay. Ang sabi nila, “Hindi na ba natakot ang taong ito? Ipinadakip na siya para patayin sa ganito ring kasalanan; ngayo'y naglibing na naman!”

9 Pag-uwi ko nang gabing iyon, naligo ako at pagkatapos ay doon na ako natulog sa aming bulwagan. Hindi na ako nagtakip ng mukha dahil sa init.

10 Hindi ko napunang may mga ibong maya pala sa tapat ng higaan ko. Ang mainit-init pang ipot ng mga ito'y pumatak sa aking mga mata at lumikha ng katarata. Sumangguni ako sa mga manggagamot ngunit wala silang nagawa. Ang kanilang mga gamot na inilalagay ay lalong nakapagpalubha hanggang sa ako'y tuluyang nabulag. Apat na taon akong hindi makakita, at gayon na lamang ang pagkabahala ng aking mga kamag-anak. Dalawang taon akong tinulungan ni Ahikar hanggang sa siya'y magpunta sa Elimais.

11 Ang asawa kong si Ana ay nagtrabaho bilang manghahabi na karaniwang gawain ng mga babae nang panahong iyon, upang kumita ng ikabubuhay namin.

12 Pagkahatid niya ng kanyang mga ginawa ay binabayaran agad siya ng may-ari. Minsan, noong ikapitong araw ng buwan ng taglamig, naghatid siya ng mga natapos niya. Nakuha niya agad ang buong kabayaran at binigyan pa siya ng isang batang kambing.