11 Ang paglilimos ay isang mabuting kaloob para sa karangalan ng Kataas-taasang Diyos.
12 “Anak, iwasan mo ang anumang uri ng pakikiapid. Huwag kang mag-aasawa sa hindi kabilang sa angkan ng ating mga ninuno. Huwag sa mga dayuhan, kundi sa kabilang sa angkan ng iyong ama, sapagkat tayo'y nagbuhat sa mga propeta. Alalahanin mong lagi sina Noe, Abraham, Isaac at Jacob. Sila ang ating mga ninuno; lahat ay nag-asawa sa mga kamag-anak nila at pinarami ng Diyos ang kanilang mga anak. Ang mga anak na ito ang magmamana ng lupain ng Israel,
13 kaya mahalin mo ang iyong angkan. Huwag kang magmamalaki sa kanila. Kailangang doon ka pumili ng iyong mapapangasawa. Sapagkat kung hindi mo gagawin ito at magmamalaki ka, maaaring magkagulu-gulo kayo at di magkaunawaan. Ang katamaran ay siyang sanhi ng paghihikahos at paghihirap. Iyan din ang pagmumulan ng karalitaan at kagutuman.
14 “Ang sinumang pinagtatrabaho mo'y swelduhan mo agad. Huwag mo nang ipagpapabukas pa ang pagbabayad sa kanya. Kung magiging tapat kang lingkod ng Diyos, ikaw ay pagpapalain niya. Ingatan mo ang iyong hakbang at ilagay sa lugar ang bawat kilos mo.
15 Anumang hindi mo gusto'y huwag mong gagawin sa iba.“Huwag kang maglalasing. Huwag mong pababayaang maging bisyo mo ang pag-inom ng alak.
16 “Bigyan mo ng pagkain ang nagugutom, at ng damit ang mga nangangailangan. Kung masagana ka ay magkawanggawa ka, at huwag kang manghihinayang sa iyong pagbibigay ng limos.
17 Kung may mabuting tao na mamatay, huwag kang magmaramot sa pagpapakain sa mga naulila. Subalit huwag mong gagawin iyon sa mga makasalanan.