14 “Ang sinumang pinagtatrabaho mo'y swelduhan mo agad. Huwag mo nang ipagpapabukas pa ang pagbabayad sa kanya. Kung magiging tapat kang lingkod ng Diyos, ikaw ay pagpapalain niya. Ingatan mo ang iyong hakbang at ilagay sa lugar ang bawat kilos mo.
15 Anumang hindi mo gusto'y huwag mong gagawin sa iba.“Huwag kang maglalasing. Huwag mong pababayaang maging bisyo mo ang pag-inom ng alak.
16 “Bigyan mo ng pagkain ang nagugutom, at ng damit ang mga nangangailangan. Kung masagana ka ay magkawanggawa ka, at huwag kang manghihinayang sa iyong pagbibigay ng limos.
17 Kung may mabuting tao na mamatay, huwag kang magmaramot sa pagpapakain sa mga naulila. Subalit huwag mong gagawin iyon sa mga makasalanan.
18 “Humingi ka ng payo sa marurunong at piliin mo ang papakinabangan.
19 Magpuri kang lagi sa Panginoong Diyos at hilingin mong ituwid niya ang iyong landas para magtagumpay ka sa iyong layunin. Walang maaasahang mabuting payo sa mga bansang pagano; ang Panginoon lamang ang nagbibigay ng lahat ng mabuti. Kung loobin niyang itaas ang tao, nagagawa niya ito, at kung gusto namang isadlak sa libingan, ito'y mangyayari. Dahil dito, huwag mong kalilimutan ang aking mga utos, at iukit mo ito sa iyong isipan.
20 “Tobias, may ipagtatapat ako ngayon sa iyo, anak: may inilagak akong malaking halaga kay Gabael na anak ni Gabrias, sa Rages, Media.