Tobit 5:12-18 MBB05

12 “Ako po'y si Azarias,” tugon ni Rafael. “Anak po ako ng matandang Hananias na isa rin ninyong kamag-anak.”

13 “Ganoon ba?” sagot ni Tobit. “Mabuti! Pagpalain ka nawa ng Diyos. Huwag ka sanang maiinis sa aking pag-uusisa. Tingnan mo, magkamag-anak pala tayo! Kilala ko ang iyong ama at ang kapatid nitong si Natamias. Anak sila ng iyong Lolo Semaias at madalas kaming magkasama papuntang Jerusalem para sumamba. Napakabuti nila; mabuti ang iyong angkan! Kaya, tamang-tama ka. Maligayang paglalakbay!”

14 Sabi pa ni Tobit, “Sumama ka lamang sa anak ko, babayaran kita nang araw-araw at babayaran ko ang lahat ng gastusin ninyo.

15 Hindi lamang iyon, bibigyan pa kita ng karagdagang kaloob.”

16 Sumagot naman si Rafael, “Huwag po kayong mag-alala; sasama ako kay Tobias. Makakaasa kayong makakabalik kaming maluwalhati. Wala pong magiging problema sa aming daraanan.”“Pagpalain kayo ng Diyos,” tugon naman ni Tobit. Tinawag niya si Tobias at sinabi, “Anak, ihanda mo nang lahat ang iyong kailangan, at lumakad na kayo sa mga kamag-anak natin sa Media. Ingatan nawa kayo ng Diyos at ibalik na ligtas. Patnubayan nawa kayo ng kanyang anghel.”Bago sila umalis, humalik muna si Tobias sa kanyang ama at ina. “Nawa'y ingatan kayo ng Diyos sa inyong paglalakbay,” sabing muli ni Tobit.

17 Ngunit napaiyak ang asawa ni Tobit. Sabi niya, “Bakit ka naman nagpasya nang ganito? Alam mo namang siya lang ang ating inaasahan at tanging gabay sa buhay.

18 Huwag namang ang higit na mahalaga sa iyo ngayon ay ang kayamanan kaysa sa iyong anak!