5 Sinunod ni Tobias ang utos sa kanya. Nagluto pa siya ng kapiraso ng isda at kinain nila. Ang natira'y inasnan at binaon nila sa paglalakbay.Matapos kumain at magpahinga, nagpatuloy sila sa paglalakbay. Nang malapit na sila sa Media,
6 tinanong ni Tobias ang kasama niya, “Kaibigang Azarias, saan ba mabuting gamot ang apdo, puso at atay ng isda?”
7 Ito ang sagot ng anghel: “Ang puso at atay ay mabuti sa sinasapian ng masasamang espiritu. Kapag sinunog mo iyon sa harap ng maysakit at lumaganap ang usok sa paligid niya, tiyak na gagaling siya at lalayas ang demonyong nasa kanya. Hindi na siya babalikan niyon.
8 Ang apdo naman ay gamot sa mata. Ipahid mo lamang iyon sa matang may katarata, gagaling ang maysakit at makakakita siya.”
9 Pumasok sila sa lupain ng Media at nang malapit na sa Ecbatana,
10 sinabi ni Rafael sa kasama, “Kapatid na Tobias!”“Ano iyon?” tugon naman nito. Patuloy na nagsalita si Rafael, “Mamayang gabi, doon tayo matutulog kina Raguel na kamag-anak mo. May anak siyang dalaga na ang pangala'y Sara.
11 Si Sara ay kaisa-isang anak at ang kanyang ama ay walang tagapagmana. Imumungkahi kong siya'y ipakasal sa iyo. Ikaw ang may karapatang mapangasawa niya sapagkat ikaw ang pinakamalapit na kamag-anak. Ikaw rin ang may karapatang magmana ng lahat ng kayamanan ng kanyang ama.