Tobit 7:8-14 MBB05

8 Pati si Edna at si Sara ay napaiyak din.Matapos ang kanilang pagpapakilala't pagkukumustahan, nagpapatay si Raguel ng barakong tupa mula sa kanyang kawan at naghanda ng isang salu-salo. Bago kumain, pagkatapos maligo nina Tobias at Rafael, sinabi ni Tobias sa kanyang kasama, “Kapatid na Azarias, hingin mo na kay Raguel ang kamay ni Sara para sa akin.”

9 Ang usapan nila'y narinig ni Raguel, kaya't sinabi niya kay Tobias,

10 “Kumain ka at uminom. Magsaya ka ngayong gabi, sapagkat ikaw na ang mapapangasawa ni Sara. Wala akong karapatang ibigay siya sa iba sapagkat ikaw ang pinakamalapit kong kamag-anak. Subalit may ipagtatapat ako sa iyo.

11 Si Sara ay naipakasal ko na sa pitong lalaki na mga kamag-anak din, ngunit lahat sila'y namatay kapag sila'y sisiping na sa kanya. Ang paniwala ko'y hindi mangyayari sa iyo ang gayon; iingatan ka ng Panginoon. Kaya kumain ka, uminom at pumanatag.”Sumagot si Tobias, “Hindi po ako kakain at iinom hangga't hindi ko nakakamtan si Sara.”

12 “Mangyayari ang nais mo,” tugon ni Raguel. “Ayon sa Kautusan ni Moises, si Sara ay asawa mo na. Iyan ang kapasyahan sa langit! Kaya kunin mo na siya, at mula ngayon, ikaw ay sa kanya at siya naman ay sa iyo magpakailanman! Nawa'y pagpalain kayo ng Panginoon ngayong gabi. Kahabagan nawa kayo at bigyan ng kapayapaan.”

13 Pagkatapos, tinawag ni Raguel si Sara at ibinigay kay Tobias. Sinabi niya, “Tobias, ayon sa Kautusan ni Moises, si Sara ay asawa mo na. Tanggapin mo siya, ingatan, at iharap mo sa iyong ama. Pagkalooban nawa kayo ng Diyos sa kalangitan ng lubos na kasiyahan at kapanatagan.”

14 Tinawag ni Raguel ang asawa niya at humingi ng isang kasulatan na pagsusulatan ng kasunduan ng kasal. Ang kasulata'y magpapatunay na ibinigay na niya si Sara kay Tobias bilang asawa ayon sa Kautusan ni Moises. Nagdala nga ng kasulatan ang kanyang asawa. Matapos ihanda ang lahat, lumagda na ang bawat kinauukulan.