1 Nang hindi na kami makatiis, minabuti naming magpaiwan sa Atenas
2 at suguin sa inyo si Timoteo na ating kapatid at kamanggagawa sa Diyos sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. Isinugo namin siya upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob alang-alang sa inyong pananampalataya,
3 upang hindi manghina ang sinuman sa inyo dahil sa mga pag-uusig. Alam ninyong ang mga pag-uusig ay bahagi ng kalooban ng Diyos para sa atin.
4 Ipinagpauna na namin sa inyo noong naririyan pa kami na tayo'y uusigin, at gayon nga ang nangyayari tulad ng alam ninyo.
5 Kaya nga, nang hindi na ako makatiis ay nagpadala ako riyan ng sugo upang alamin ang kalagayan ngayon ng inyong pananampalataya sa Panginoon. Nag-aalala ako na baka nalinlang na kayo ng diyablo, at kung magkagayo'y mawawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal.
6 Ngayon ay nakabalik na rito si Timoteo, at maganda ang balita niya tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya sa amin na lagi ninyo kaming naaalala at malaki ang pananabik na makita kami, gaya ng pananabik naming makita kayo.
7 Mga kapatid, dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo ay naaliw kami sa gitna ng aming pagkabalisa at mga hirap.
8 Nabuhayan kami ng loob dahil sa inyong pananatiling matatag sa pananampalataya.
9 Paano kaya namin mapapasalamatan nang sapat ang Diyos dahil sa kagalakang natamo namin dahil sa inyo?
10 Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo'y muli naming makita at mapunuan ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.
11 Loobin nawa ng ating Diyos Ama at ng ating Panginoong Jesus na makapunta kami diyan sa inyo.
12 Nawa'y pasaganain at pag-umapawin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo.
13 Palalakasin niya ang inyong loob upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang kanyang mga hinirang.