8 Kaya, ang sinumang ayaw sumunod sa katuruang ito ay hindi sa tao sumusuway, kundi sa Diyos na siyang nagkakaloob sa inyo ng kanyang Espiritu Santo.
9 Tungkol naman sa pag-ibig na dapat iukol sa mga kapatid sa pananampalataya, hindi na kailangang paalalahanan pa kayo dahil itinuro na sa inyo ng Diyos kung paano kayo mag-iibigan.
10 At ito na nga ang ginagawa ninyo sa mga kapatid sa buong Macedonia. Gayunman, ipinapakiusap pa rin namin sa inyo, mga kapatid, na pag-ibayuhin pa ninyo ang inyong pag-ibig.
11 Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik, pakialaman ang sariling gawain, at magtrabaho kayo upang mabuhay tulad ng itinuro namin sa inyo.
12 Dahil dito, kayo ay igagalang ng mga hindi mananampalataya at hindi kayo aasa sa iba para sa inyong ikabubuhay.
13 Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa.
14 Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos ang lahat ng namatay na sumasampalataya kay Jesus upang isama sa kanya.