1 Dahil si Cristo'y nagtiis ng hirap sa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtitiis ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan.
2 Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa nasa ng laman.
3 Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga bagay na kinahuhumalingan ng mga Hentil: kahalayan, masasamang nasa ng laman, paglalasing, walang tigil na pagsasaya, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan.
4 Nagtataka nga sila kung bakit hindi na kayo sumasama ngayon sa kanilang magulong pamumuhay kaya kayo'y sinisiraan nila,
5 ngunit mananagot sila sa Diyos na hahatol sa mga buháy at sa mga patay.
6 Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama't sila'y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
7 Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin.
8 Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan.
9 Huwag maging mabigat sa inyong loob ang pagtanggap sa inyong mga kapatid sa inyong bahay.
10 Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo ang kakayahang tinanggap ninyo sa ikakapakinabang ng lahat.
11 Ikaw ba'y tagapangaral? Ipangaral mo ang salita ng Diyos. Ikaw ba'y tagapaglingkod? Gamitin mo sa paglilingkod ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.
12 Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan.
13 Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kadakilaan.
14 Mapalad kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos.
15 Huwag nawang mangyaring maparusahan ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero.
16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo.
17 Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito'y magsisimula sa mga bayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos?
18 Tulad ng sinasabi ng kasulatan,“Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas,ang di kumikilala sa Diyos, paano pa maliligtas?”
19 Kaya nga, ang mga naghihirap dahil sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako.