15 Lumihis sila sa matuwid na landas at naligaw. Tinularan nila si Balaam, anak ni Beor na nagpahalaga sa bayad sa paggawa ng masama.
16 Dahil dito, siya'y sinumbatan ng kanyang asno na nagsalitang parang tao upang siya'y sawayin sa kanyang kabaliwan.
17 Ang katulad ng mga huwad na gurong ito ay mga batis na walang tubig, at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Inilaan na ng Diyos ang kadiliman para sa kanila.
18 Mayayabang sila kung magsalita, ngunit wala namang kabuluhan ang sinasabi. Ginagamit nila ang nasa ng laman upang maibalik sa kahalayan ang mga nagsisimula pa lamang lumayo sa mga taong namumuhay ng may kalikuan.
19 Ipinapangako nila ang kalayaan sa nahihikayat nila, subalit sila mismo ay alipin ng kasamaan, sapagkat ang tao ay alipin ng anumang hindi niya kayang mapanagumpayan.
20 Nakaiwas na sa kasamaan ng daigdig ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas, ngunit kung muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang mahulog dito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati.
21 Mabuti pang hindi na nila natutuhan ang daang matuwid, kaysa matapos matutuhan ang banal na Kautusang itinuro sa kanila ay tumalikod sila dito.