1 Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Sa dalawang sulat na ito ay sinikap kong gisingin ang malinis ninyong isipan sa pamamagitan ng pagpapaalala ng ilang mga bagay.
2 Alalahanin ninyo ang mga sinabi noon ng mga banal na propeta at ang utos na ibinigay sa inyo ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo.
3 Una sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay pagtatawanan kayo ng mga taong namumuhay ayon sa nasa ng laman.
4 Sasabihin nila, “Si Cristo'y nangakong darating, hindi ba? Nasaan na siya? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit wala pa ring pagbabago buhat nang likhain ang mundong ito.”
5 Walang halaga sa kanila ang katotohanang ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Nilikha ang lupa buhat sa tubig at sa pamamagitan ng tubig.
6 Sa pamamagitan din ng tubig, ginunaw ang daigdig nang panahong iyon.
7 Sa pamamagitan din ng salitang iyon ay nananatili ang mga langit at ang lupa upang tupukin sa apoy pagdating ng Araw ng Paghuhukom at pagpaparusa sa masasama.
8 Mga minamahal, huwag ninyong kalilimutan na sa Panginoon, ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw lamang.
9 Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Hindi pa niya tinutupad ang pangakong iyon alang-alang sa inyo. Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat upang makapagsisi at tumalikod sa kasalanan sapagkat hindi niya nais na may mapahamak.
10 Ngunit ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala.
11 At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos
12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang madaling dumating ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init.
13 Naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran, sapagkat ganoon ang kanyang pangako.
14 Kaya nga, mga minamahal, habang naghihintay kayo, sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, walang dungis at walang kapintasan.
15 Isipin ninyong kaya nagtitimpi ang Panginoon ay upang bigyan kayo ng pagkakataong maligtas. Iyan ang isinulat sa inyo ng kapatid nating si Pablo, taglay ang karunungang kaloob sa kanya ng Diyos.
16 Sa lahat ng sulat niya tungkol sa paksang ito, ganito ang lagi niyang paalala. Kaya lang, ang ilang bahagi sa kanyang mga sulat ay mahirap unawain, at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at maguguló ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili.
17 Ngayong ito'y alam na ninyo, mga kapatid, dapat kayong mag-ingat upang huwag kayong mailigaw ng mga taong walang sinusunod na batas. Sa gayon, hindi kayo matitinag sa inyong mabuting kalagayan.
18 Magpatuloy kayong lumago sa kagandahang-loob at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman! Amen.