2 Timoteo 1 RTPV05

1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos upang ipangaral ang tungkol sa buhay na ipinangakong makakamtan natin sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus—

2 Kay Timoteo na minamahal kong anak.Sumaiyo nawa ang pagpapala, habag, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Pasasalamat at Paalala

3 Tuwing inaalala kita sa aking panalangin araw at gabi, nagpapasalamat ako sa Diyos na aking pinaglilingkuran nang tapat gaya ng ginawa ng aking mga ninuno.

4 Sabik na sabik na akong makita ka upang malubos ang aking kagalakan, lalo na kapag naaalala ko ang iyong pagluha.

5 Hindi ko nalilimutan ang tapat mong pananampalataya, na unang tinaglay ng iyong lolang si Loida at ng iyong inang si Eunice. Natitiyak kong nasa iyo ang pananampalatayang ito.

6 Dahil dito, ipinapaalala ko sa iyo na gamitin mong mabuti ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos nang ipatong ko sa iyo ang aking mga kamay.

7 Sapagkat ang Espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.

8 Kaya't huwag kang mahihiyang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikakahiya, na isang bilanggo alang-alang sa kanya. Sa halip, makihati ka sa pagtitiis para sa Magandang Balita. Umasa ka sa kapangyarihan ng Diyos

9 na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus,

10 ngunit ito'y nahayag na ngayon, nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Winakasan niya ang kapangyarihan ng kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.

11 Dahil sa Magandang Balitang ito, ako'y ginawang mangangaral, apostol at guro,

12 at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat lubos kong kilala ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa wakas ang ipinagkatiwala ko sa kanya.

13 Gawin mong batayan ang mabubuting aral na itinuro ko sa iyo, at manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus.

14 Sa tulong ng Espiritu Santo na nananatili sa atin, ingatan mo ang lahat ng magagandang bagay na ipinagkatiwala sa iyo.

15 Alam mong ako'y iniwan ng lahat ng kapatid natin sa Asia, pati na nina Figelo at Hermogenes.

16 Pagpalain nawa ng Diyos ang sambahayan ni Onesiforo sapagkat sa maraming pagkakataon, ako'y kanyang inaliw at hindi niya ako ikinahiya kahit ako'y isang bilanggo.

17 Sa katunayan, pagdating niya sa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang sa ako'y kanyang matagpuan.

18 Kahabagan nawa siya ng Panginoon sa Araw na iyon. Alam mo naman kung paano niya ako pinaglingkuran sa Efeso.

mga Kabanata

1 2 3 4