16 Iwasan mo ang mga usapang malalaswa at walang kabuluhan, sapagkat ang mga iyan ang nagiging dahilan ng pagtalikod ng mga tao sa Diyos.
17 Ang mga katuruan nila'y parang kanser na kumakalat sa katawan. Kabilang sa mga taong ito ay sina Himeneo at Fileto.
18 Lumihis sila sa katotohanan at ginugulo nila ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng pagtuturo na ang muling pagkabuhay ay naganap na.
19 Ngunit matibay ang pundasyong itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Nakikilala ng Panginoon kung sinu-sino ang tunay na kanya,” at, “Ang bawat nagsasabing siya'y sa Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan.”
20 Sa isang malaking bahay ay may iba't ibang uri ng kasangkapan; may yari sa ginto o pilak, at mayroon namang yari sa kahoy o putik. May ginagamit para sa mga tanging okasyon at mayroon namang pang-araw-araw.
21 Ang sinumang lumalayo sa kasamaan ay katulad ng sisidlang natatangi, malinis at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabubuting gawain.
22 Kaya nga bilang isang kabataan, iwasan mo ang masasamang pagnanasa, subalit pagsikapan mong maging matuwid, tapat, mapagmahal at mapayapa, kasama ng mga taong may pusong malinis at tumatawag sa Panginoon.