18 Lumihis sila sa katotohanan at ginugulo nila ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng pagtuturo na ang muling pagkabuhay ay naganap na.
19 Ngunit matibay ang pundasyong itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Nakikilala ng Panginoon kung sinu-sino ang tunay na kanya,” at, “Ang bawat nagsasabing siya'y sa Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan.”
20 Sa isang malaking bahay ay may iba't ibang uri ng kasangkapan; may yari sa ginto o pilak, at mayroon namang yari sa kahoy o putik. May ginagamit para sa mga tanging okasyon at mayroon namang pang-araw-araw.
21 Ang sinumang lumalayo sa kasamaan ay katulad ng sisidlang natatangi, malinis at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabubuting gawain.
22 Kaya nga bilang isang kabataan, iwasan mo ang masasamang pagnanasa, subalit pagsikapan mong maging matuwid, tapat, mapagmahal at mapayapa, kasama ng mga taong may pusong malinis at tumatawag sa Panginoon.
23 Iwasan mo ang mga walang kabuluhang pakikipagdebate sapagkat alam mo namang nauuwi lamang iyan sa mga pag-aaway.
24 Ang lingkod ng Diyos ay hindi dapat makipag-away, sa halip ay dapat siyang maging mabuti sa pakikitungo sa lahat, mahusay magturo at matiyaga.