5 Sila'y magkukunwaring maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao.
6 May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa bahay ng mga babaing walang pagpipigil sa sarili. Ang mga babaing ito'y alipin ng kanilang mga kasalanan at ng sari-saring pagnanasa.
7 Lahat na'y gustong matutuhan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y di sila nakakaunawa.
8 At tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya.
9 Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.
10 Ngunit sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan.
11 Nasaksihan mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napakahirap ng dinanas ko! Ngunit sa lahat ng iyon ay iniligtas ako ng Panginoon.