12 Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos.
13 Sila nga ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao kundi ang pagiging anak nila ay dahil sa kalooban ng Diyos.
14 Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.
15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya. Isinisigaw niya, “Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang darating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.’”
16 Dahil siya'y puspos ng pag-ibig, naranasan natin ang masaganang kagandahang-loob ng Diyos.
17 Dumating ang Kautusan sa amin sa pamamagitan ni Moises; ngunit sa pamamagitan naman ni Jesu-Cristo ay dumating ang kagandahang-loob at katotohanan.
18 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit siya ay ipinakilala ng kaisa-isang Diyos na lubos na minamahal ng Ama.