1 Sa bayan ng Bethania ay may isang taong nagkasakit. Siya si Lazaro na kapatid nina Marta at Maria.
2 Si Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro,
3 nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.”
4 Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”
5 Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro.
6 Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro.
7 Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.”
8 Sumagot ang mga alagad, “Guro, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga pinuno ng mga Judio? Bakit pupunta na naman kayo doon?”
9 Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito.
10 Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag.”
11 Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.”
12 “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad.
13 Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito.
14 Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro;
15 ngunit ako'y nagagalak dahil wala ako roon upang kayo'y sumampalataya sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.”
16 Niyaya ni Tomas, na tinatawag na Kambal, ang kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa Guro, mamamatay tayong kasama niya.”
17 Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro.
18 May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania,
19 kaya't maraming taga-Jerusalem ang dumalaw kina Marta at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.
20 Nang mabalitaan ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay.
21 Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po ay narito, buháy pa sana ang kapatid ko.
22 Subalit nalalaman kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.”
23 “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” sabi ni Jesus.
24 Sumagot si Marta, “Nalalaman ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.”
25 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay;
26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”
27 Sumagot siya, “Opo, Panginoon! Sumasampalataya po ako sa inyo at naniniwalang kayo nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos na paparito sa daigdig.”
28 Pagkasabi nito, umuwi si Marta. Tinawag niya si Maria at binulungan, “Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka.”
29 Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus.
30 Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta.
31 Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak.
32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid.”
33 Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito.
34 “Saan ninyo siya inilibing?” tanong ni Jesus.Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.”
35 Tumangis si Jesus,
36 kaya't sinabi ng mga Judio, “Talagang mahal na mahal niya si Lazaro!”
37 Sinabi naman ng ilan, “Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro?”
38 Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato.
39 “Alisin ninyo ang bato,” utos ni Jesus.Ngunit sumagot si Marta, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.”
40 Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka sa akin ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”
41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dinirinig mo ako,
42 at alam kong lagi mo akong diringgin. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.”
43 Pagkasabi nito ay sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!”
44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakatakip ring tela sa mukha. Inutos ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya at nang makalaya.”
45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya.
46 Ngunit may ilan sa kanila na pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus.
47 Kaya't tinipon ng mga punong pari at mga Pariseo ang mga kagawad ng Sanedrin. Kanilang sinabi, “Ano ang gagawin natin? Gumagawa ng maraming himala ang taong ito.
48 Kung siya'y pababayaan nating magpatuloy sa kanyang mga ginagawa, maniniwala sa kanya ang lahat. Paparito ang mga Romano at wawasakin ang Templo at pahihirapan ang ating bansa.”
49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na siyang pinakapunong pari noon, ay nagsabing, “Wala kayong alam!
50 Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti sa atin na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?”
51 Hindi mula sa kanyang sarili ang sinabi niyang ito. Bilang pinakapunong pari nang taon na iyon, ipinahayag niyang dapat mamatay si Jesus alang-alang sa kanilang bansa
52 upang tipunin ang mga nakakalat na mga anak ng Diyos.
53 Mula noon, pinag-isipan na nila kung paano maipapapatay si Jesus.
54 Dahil dito, si Jesus ay hindi na hayagang naglingkod sa Judea. Sa halip, siya'y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang, at doon muna tumigil kasama ng kanyang mga alagad.
55 Nalalapit na ang Pista ng Paskwa. Maraming taga-lalawigan ang pumunta sa Jerusalem bago sumapit ang kapistahan upang isagawa ang seremonya ng paglilinis.
56 Hinahanap nila si Jesus sa Templo, at sila'y nagtatanungan, “Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista?”
57 Ipinag-utos ng mga punong pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng mga tao kapag nalaman nila kung nasaan si Jesus upang ito'y maipadakip nila.