25 Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?”
26 Sumagot si Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala.
27 Darating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas.”
28 Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.
29 Kinabukasan, nakita ni Juan na si Jesus ay lumalapit sa kanya. Kaya't sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.
30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak.
31 Hindi ko rin siya kilala noon subalit ako'y naparitong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”