20 Pakatandaan ninyo, ang tumatanggap sa sinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap naman sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”
21 Pagkasabi nito, si Jesus ay labis na nabagabag at nagpahayag sa kanila, “Pakatandaan ninyo: ako'y pagtataksilan ng isa sa inyo.”
22 Nagsimulang magtinginan ang mga alagad sapagkat hindi nila alam kung sino ang kanyang tinutukoy.
23 Katabi noon ni Jesus ang alagad na minamahal niya,
24 kaya't sinenyasan siya ni Simon Pedro at sinabihan, “Itanong mo nga kung sino ang tinutukoy niya.”
25 Humilig ang alagad na ito sa dibdib ni Jesus at nagtanong, “Panginoon, sino po ba iyon?”
26 “Siya ang taong aabutan ko ng tinapay na aking isinawsaw,” sagot ni Jesus. Nagsawsaw nga siya ng tinapay at ibinigay iyon kay Judas na anak ni Simon Iscariote.