26 “Siya ang taong aabutan ko ng tinapay na aking isinawsaw,” sagot ni Jesus. Nagsawsaw nga siya ng tinapay at ibinigay iyon kay Judas na anak ni Simon Iscariote.
27 Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus kay Judas, “Gawin mo na ang dapat mong gawin.”
28 Walang sinuman sa mga kasalo ni Jesus ang nakaunawa kung bakit niya sinabi iyon.
29 Dahil si Judas ang may hawak ng kanilang salapi, akala nila'y pinapabili siya ni Jesus ng kakailanganin nila sa pagdiriwang, o kaya'y pinapabigyan niya ng limos ang mga dukha.
30 Nang makain na ni Judas ang tinapay, kaagad itong umalis. Noon ay gabi na.
31 Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Jesus, “Ngayo'y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao, at sa pamamagitan niya ay mahahayag din ang karangalan ng Diyos.
32 At kapag nahayag na ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan ng Anak ng Tao, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at ito'y gagawin niya agad.