28 Walang sinuman sa mga kasalo ni Jesus ang nakaunawa kung bakit niya sinabi iyon.
29 Dahil si Judas ang may hawak ng kanilang salapi, akala nila'y pinapabili siya ni Jesus ng kakailanganin nila sa pagdiriwang, o kaya'y pinapabigyan niya ng limos ang mga dukha.
30 Nang makain na ni Judas ang tinapay, kaagad itong umalis. Noon ay gabi na.
31 Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Jesus, “Ngayo'y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao, at sa pamamagitan niya ay mahahayag din ang karangalan ng Diyos.
32 At kapag nahayag na ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan ng Anak ng Tao, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at ito'y gagawin niya agad.
33 Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko noon sa mga Judio, ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.’
34 “Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon, mag-ibigan kayo! Kung paano ko kayong inibig, gayundin naman, mag-ibigan kayo.