1 “Huwag na kayong mabalisa; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin.
2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan?
3 At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon.
4 At alam na ninyo ang daan papunta sa pupuntahan ko.”
5 Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?”
6 Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.
7 Kung ako'y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.”