9 Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig.
10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.
11 “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon, malubos ang inyong kagalakan.
12 Ito ang aking utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo.
13 Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.
14 Kayo'y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang aking mga utos.
15 Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, itinuring ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama.