15 Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo.”
16 “Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y inyong makikitang muli.”
17 Nag-usap-usap ang ilan sa mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing kaunting panahon na lamang at hindi na natin siya makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya, ‘Sapagkat ako'y pupunta sa Ama.’
18 Ano kaya ang kahulugan ng, ‘kaunting panahon na lamang’? Hindi natin maunawaan ang kanyang sinasabi!”
19 Alam ni Jesus na ibig nilang magtanong, kaya't sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong ‘kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y makikita ninyong muli.’
20 Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at mahahapis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit iyan ay mapapalitan ng kagalakan.
21 “Kapag naghihirap na ang isang babaing manganganak, siya'y nahahapis, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak niya, hindi na niya naaalala ang hirap; nagagalak siya dahil sa pagsilang ng isang sanggol sa sanlibutan.