16 Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan, kaya lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong pari, kinausap ang dalagang nagbabantay sa pinto at pinapasok si Pedro.
17 Si Pedro'y tinanong ng dalaga, “Hindi ba't isa ka sa mga alagad ng taong iyan?”“Hindi,” sagot ni Pedro.
18 Maginaw noon, kaya't nagsiga ang mga utusan at ang mga bantay, at nag-umpukan sila sa paligid ng apoy upang magpainit. Nakihalo sa kanila si Pedro at nagpainit din.
19 Tinanong si Jesus ng pinakapunong pari tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang mga itinuturo.
20 Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa madla, at lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa Templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabi nang palihim.
21 Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo'y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko.”
22 Pagkasabi nito'y sinampal siya ng isa sa mga pinuno ng mga bantay na naroroon. “Bakit mo sinasagot nang ganyan ang pinakapunong pari?” tanong niya.