28 Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!”
29 May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at idiniit sa kanyang bibig.
30 Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
31 Noo'y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay hanggang sa Araw ng Pamamahinga, dahil natatangi ang Araw na iyon ng Pamamahinga. Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali ang mga binti ng mga ipinako sa krus at alisin ang mga bangkay.
32 Pumunta nga roon ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Jesus.
33 Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay na ito, hindi na nila binali ang kanyang mga binti.
34 Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad dumaloy ang dugo at tubig.