18 Dahil dito'y tinanong siya ng mga pinuno ng Judio, “Anong himala ang maipapakita mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?”
19 Sumagot si Jesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo.”
20 Sinabi ng mga pinuno ng Judio, “Apatnapu't anim na taóng ginawa ang Templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”
21 Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan.
22 Kaya't nang siya'y muling mabuhay, naalala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito, at lalo silang naniwala sa kasulatan at sa mga itinuro ni Jesus.
23 Nang Pista ng Paskwa ay nasa Jerusalem si Jesus. Marami ang sumampalataya sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginagawa niya.
24 Subalit hindi nagtiwala sa kanila si Jesus, sapagkat alam niya ang kanilang mga iniisip.