14 Pagkasabi nito'y napalingon siya at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon.
15 Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?”Akala ni Maria, ang kausap niya'y ang hardinero kaya't sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, pakituro nga po ninyo sa akin kung saan ninyo siya dinala at kukunin ko.”
16 “Maria!” sabi ni Jesus.Humarap siya at kanyang sinabi sa wikang Hebreo, “Raboni!” na ang ibig sabihi'y “Guro.”
17 Sabi ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama. Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila na aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.”
18 Kaya't si Maria Magdalena ay pumunta sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Nakita ko ang Panginoon!” At sinabi rin niya sa kanila ang bilin ni Jesus.
19 Kinagabihan ng araw ng Linggo, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakasara ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya.
20 Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Nang makita nila ang Panginoon, tuwang-tuwa ang mga alagad.