23 Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang kinalulugdan ng Ama.
24 Ang Diyos ay Espiritu kaya dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.”
25 Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Cristo. Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat ng bagay.”
26 “Ako na kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy,” sabi ni Jesus.
27 Dumating ang kanyang mga alagad nang sandaling iyon, at nabigla sila nang makita nilang nakikipag-usap si Jesus sa isang Samaritana. Ngunit isa man sa kanila'y walang nagtanong sa babae, “Ano ang kailangan ninyo?” Wala ring nagtanong kay Jesus, “Bakit ninyo siya kinakausap?”
28 Iniwanan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga tagaroon,
29 “Halikayo! Tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na kaya ang Cristo?”