41 Nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi niyang, “Ako ang tinapay na bumabâ mula sa langit.”
42 Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama't ina. Paano niya masasabi ngayong, ‘Bumabâ ako mula sa langit’?”
43 Kaya't sinabi ni Jesus, “Tigilan ninyo ang inyong bulung-bulungan.
44 Walang makakalapit sa akin malibang akayin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw.
45 Nasusulat sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo sa kanya ay lalapit sa akin.
46 Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama.
47 Pakatandaan ninyo: ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan.