44 Walang makakalapit sa akin malibang akayin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw.
45 Nasusulat sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo sa kanya ay lalapit sa akin.
46 Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama.
47 Pakatandaan ninyo: ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan.
48 Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay.
49 Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila'y nasa ilang, ngunit sila'y namatay.
50 Narito ang tinapay na bumabâ mula sa langit upang ang sinumang kumain nito ay hindi na mamatay.